Home » MMDA Nagbabala Laban Sa NCAP Scam

MMDA Nagbabala Laban Sa NCAP Scam

by GNN News
0 comments

Nagbabala si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Romando “Don” Artes sa publiko na maging mapagmatyag laban sa mga scammer na nagpapadala ng mga notification kaugnay ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) violations sa pamamagitan ng email at text messages.

Ang babalang ito ay kasabay ng paglulunsad ng bagong notification feature ng NCAP na layong magbigay ng real-time updates sa mga traffic violations. Ngunit bago pa man ito pormal na ipatupad, ilang mga insidente na ng panlilinlang o scam ang naitala kung saan nakatanggap ng pekeng notice of violation ang mga motorista.

Mariing paalala ng MMDA na huwag basta-basta maniniwala sa anumang mensahe tungkol sa NCAP violations lalo na kung hindi mula sa opisyal na website o source. Giit ni Artes, beripikahin muna kung lehitimo ang pinagmulan ng impormasyon bago magbigay ng anumang personal na detalye o mag-click sa mga link.

Ayon pa sa kanya, posibleng maikompromiso ng scammers ang anyo at detalye ng notification gamit ang special features ng bagong system. Dahil dito, nakikipagtulungan na ang MMDA sa mga telecommunication companies upang mapanatiling ligtas at legitimo ang mga mensaheng ipapadala.

Muling pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na ang tanging lehitimong website para sa NCAP ay ang mayhulika.mmda.gov.ph. Hinihikayat ang lahat na mag-ingat at agad i-report sa MMDA ang anumang kahina-hinalang komunikasyon.


You may also like

Leave a Comment