Sinimulan na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pag-transition ng mga ilaw trapiko sa sensor-based traffic lights sa buong rehiyon ng National Capital Region (NCR).
Ayon kay MMDA Chair Atty. Romando Don Artes, layunin ng proyekto na mapabuti ang daloy ng trapiko sa pamamagitan ng real-time adjustments gamit ang mga sensor na awtomatikong magbabago ng tagal ng stoplight batay sa dami ng sasakyan sa isang intersection.

Kasalukuyan nang tinatanggal ng Traffic Engineering Center ng ahensya ang mga signal light timer sa tinatayang 100 intersection sa ibaāt ibang bahagi ng Metro Manila, bilang bahagi ng unang yugto ng implementasyon.
Ang sensor-based traffic lights ay makatutulong upang maiwasan ang mabigat na trapiko, lalo na sa mga oras ng rush hour. Gagamit ito ng makabagong teknolohiya upang ma-detect ang volume ng sasakyan at agad na mag-adjust ang ilaw trapiko depende sa aktuwal na sitwasyon sa kalsada.
Dagdag pa ni Artes, ang inisyatibong ito ay bahagi ng mas malawak na plano ng MMDA na gawing mas matalino at epektibo ang pamamahala ng trapiko sa kabuuang Metro Manila.