Mariing tinutulan ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Frasco ang inilabas na HelloSafe Safety Index 2025, na aniya’y “walang malinaw na basehan” at hindi tunay na nagpapakita ng aktuwal na kalagayan ng seguridad sa Pilipinas.
Naglabas din ng pahayag ang mga pangunahing grupo sa industriya ng turismo kabilang ang Philippine Hotel Owners Association (PHOA), Pacific Asia Travel Association (PATA), Philippine Tour Operators Association (PHILTOA), Philippine Travel Agencies Association (PTAA), at Philippine IATA Agents Travel Association (PIATA). Ayon sa kanila, ang maling impormasyon ay may seryosong epekto sa imahe ng bansa at sa kabuhayan ng milyong Pilipinong umaasa sa sektor ng turismo.

Hinimok ng DOT at ng mga kasaping organisasyon ang HelloSafe na itama ang kanilang ulat, at igalang ang tamang proseso ng pagsusuri at pag-uulat. Binibigyang-diin nila na ang mga ganitong ulat ay nakakaapekto sa tiwala ng mga dayuhang turista at sa patuloy na pagbangon ng turismo sa bansa.
Ang posisyon ng DOT ay isang panawagan para sa responsableng paglalathala ng impormasyon, lalo na sa panahon kung kailan pinagbubutihan ng Pilipinas ang promosyon ng ligtas at maayos na karanasan sa mga turista.