Ayon sa Department of Labor and Employment o DOLE, ang mga empleyado sa ilalim ng pribadong sektor ay may karampatang benepisyo ngayong pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Para sa mga hindi pumasok sa trabaho ngayong regular holiday, makatatanggap pa rin sila ng 100% ng kanilang arawang sahod. Samantala, ang mga nag-report sa trabaho ay may karagdagang benepisyo — sila ay tatanggap ng 200% ng kanilang arawang sahod para sa nasabing petsa.

Ang patakarang ito ay nakasaad sa Labor Advisory No. 08, Series of 2025, na nilagdaan ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma. Layunin nitong ipatupad ang tamang karapatan ng mga manggagawa alinsunod sa umiiral na batas.
Pinaalalahanan ng DOLE ang lahat ng mga employer na sundin ang mga nakasaad sa advisory upang mapanatili ang kapakanan ng mga empleyado ngayong mahalagang okasyon ng kasarinlan ng bansa.