Magsasagawa ng nationwide job fair ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mismong Araw ng Kalayaan, Hunyo 12, bilang pagdiriwang ng ika-127 anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas.
Ayon sa DOLE, layunin ng job fair na bigyan ng mas maraming oportunidad sa trabaho ang mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Inaasahan na daan-daang employers mula sa pribado at pampublikong sektor ang lalahok sa aktibidad.

Sa naunang job fair kamakailan, iniulat ng Bureau of Local Employment na umabot sa 5,780 aplikante ang natanggap agad sa mismong araw ng job fair. Isinagawa ito sa 71 job fair sites sa iba’t ibang rehiyon.
Inaanyayahan ng DOLE ang mga naghahanap ng trabaho na samantalahin ang pagkakataon sa darating na job fair ngayong Araw ng Kalayaan upang makahanap ng mapapasukang trabaho, mapa-loob man o labas ng bansa.