Mariing pinabulaanan ng Department of Health (DOH) ang mga kumakalat na online posts na nagsasabing magkakaroon umano ng lockdown sa Pilipinas dahil sa pagtaas ng kaso ng monkeypox o mpox.
Ayon sa DOH, walang katotohanan ang impormasyon at hindi kailangang magpatupad ng lockdown dahil hindi airborne ang monkeypox. Ipinaliwanag pa ng ahensya na ang mga kasong naitatala sa bansa ay pawang Clade II variant, na mild at hindi kasing-lala o nakamamatay tulad ng Clade I-B variant.
Binigyang-diin ng DOH na hindi dapat basta-basta maniwala sa mga impormasyong kumakalat sa social media kung hindi ito mula sa opisyal na mga source. Sa halip, hinikayat nila ang publiko na sumunod lamang sa health advisories na mula sa kanilang opisyal na accounts.

Ang monkeypox lockdown hoax ay isang halimbawa ng misinformation na maaaring magdulot ng panic sa publiko. Kaya naman muling nagpaalala ang DOH sa kahalagahan ng tamang impormasyon, maingat na pagbabahagi ng balita, at pag-iingat sa mga nababasa online.
Sa kasalukuyan, patuloy ang surveillance at monitoring ng DOH sa mga kaso ng monkeypox sa bansa upang matiyak ang kaligtasan ng publiko. Wala umanong dahilan upang mangamba basta’t susundin ang mga umiiral na health protocols at advisories.