Ipinahayag ni U.S. President Donald Trump ang isang kontrobersyal na panukala sa Canada: magbayad ng $61 bilyon upang makasali sa kanyang Golden Dome Missile Defense System, isang proyekto na naglalayong protektahan ang Estados Unidos mula sa ballistic at hypersonic missile threats. Ang naturang sistema ay gumagamit ng mga space-based weapons na hindi pa rin nasusubukan sa aktwal na operasyon.
Ngunit hindi diyan nagtapos ang panukala. Sa isang social media post, nagbigay si Trump ng isang mapangahas na alternatibo—libreng pagsali sa sistema kung papayag ang Canada na maging ika-51 estado ng Amerika. Ang kanyang tinaguriang Golden Dome ay may tinatayang halaga na $175 bilyon, at kasalukuyang humihiling ng $25 bilyong budget sa Kongreso. Subalit ayon sa Congressional Budget Office, maaaring umabot sa $542 bilyon ang kabuuang gastos sa loob ng dalawang dekada.

Habang nananatiling hindi tiyak ang feasibility ng teknolohiya, kinumpirma naman ni Canadian Prime Minister Mark Carney na nagsimula na ang mga unang talakayan ukol sa posibleng pakikilahok ng Canada sa proyekto, ngunit wala pa raw itong pinansyal na obligasyon.
Mula pa noong 1950s, matibay ang defense ties ng U.S. at Canada sa pamamagitan ng NORAD. Ngunit sa gitna ng mga lumang tensyon ukol sa trade policies at mga nakaraang panukala ni Trump na gawing bahagi ng U.S. ang Canada, ang Trump Golden Dome proposal ay lalong sumusubok sa diplomatic na relasyon ng dalawang bansa.