
Isinusulong ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mga bagong reporma at benepisyo para sa mga delivery rider sa bansa. Layon ng mga hakbang na ito na bigyang suporta, proteksyon, at mas maayos na kondisyon sa trabaho ang mga itinuturing na modern-day frontliners sa industriya ng delivery services.
Kabilang sa mga benepisyo para sa delivery rider na isinusulong ng DICT ang isang one-time fuel subsidy, na layong mabawasan ang gastusin sa araw-araw na operasyon ng mga rider. Inilalapit rin ang pagkakaroon ng PhilHealth coverage para sa kanilang kalusugan, at access sa Pag-IBIG loans upang mas mapadali ang pag-apply sa mga pautang para sa personal o pangkabuhayang pangangailangan.
Bukod sa mga benepisyo, nais ding resolbahin ng DICT ang mga pangunahing reklamo mula sa mga customer. Ilan sa mga ito ay ang madalas na pagkakamali sa mga item na naihahatid, ang paulit-ulit na pagbabago ng delivery details, at ang isyu ng hindi makatwirang pagkakansela ng delivery na kadalasang naaapektuhan ang kita ng mga rider.
Sa pamamagitan ng mga repormang ito, umaasa ang DICT na mas mapapalakas ang tiwala at koordinasyon sa pagitan ng mga delivery platform, rider, at customer. Malaking hakbang ito para sa pagkakaroon ng mas maayos, makatao, at episyenteng delivery system sa bansa, kung saan parehong protektado ang rider at ang serbisyong kanilang inihahatid.