
Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Parañaque City, dalawang incumbent congressmen ang magtatapat sa halalan para sa ikalawang distrito ng lungsod sa darating na May 12, 2025.
Ang una sa dalawang matinding katunggali ay si Rep. Gus Tambunting, kasalukuyang kinatawan ng 2nd District na unang naihalal noong 2013. Matagal na siyang aktibo sa lokal na politika—mula sa pagiging konsehal noong 1988 hanggang 1995 at 2001 hanggang 2007, hanggang sa pag-upo bilang vice mayor mula 2007 hanggang 2013. Pagkatapos nito ay sunod-sunod na ang kanyang termino bilang kongresista maliban noong 2019–2022, kung saan pansamantalang humalili ang kanyang asawa na si Joy Tambunting.
Kaharap niya ngayon si Brian Yamsuan, isang party-list congressman mula sa Bicol Saro at dati ring consultant sa Office of the Executive Secretary, chief of staff ni Senadora Tessie Aquino-Oreta, at media officer ni Sen. Edgardo Angara. Siya rin ay naging deputy secretary general ng House of Representatives, kaya’t dala niya ang karanasang pambansa sa darating na labanan.
Ayon sa mga political analysts na umiikot sa lungsod, hati ang suporta ng mga botante sa dalawang kandidato. Malinaw na parehong may malalim na political background at impluwensiya sa kani-kanilang sektor.
Bagamat pareho silang kasalukuyang mambabatas, itinuturing ang kanilang kampanya bilang “all or nothing”, dahil ang mananalo ay posibleng maging standard bearer ng Parañaque sa mga susunod na halalan. Sa darating na Lunes, May 12, malalaman na kung sino sa kanila ang magpapatuloy sa makulay na pulitika ng lungsod.
Para sa karagdagang ulat sa lokal na halalan at pulitika, manatiling nakatutok sa GNN.