
Nakipagpulong ang Department of Finance (DOF) sa mga opisyal ng U.S. International Development Finance Corporation (DFC) noong Abril 22, 2025 upang talakayin ang mga posibilidad para sa ugnayang pang-investment sa Pilipinas.
Layunin ng pagpupulong na tukuyin ang mga pangunahing sektor na maaaring paglagakan ng mga pribadong pamumuhunan, partikular na sa larangan ng enerhiya, kalusugan, imprastruktura, at teknolohiya. Isa ito sa mga hakbang ng pamahalaan upang mapalawak ang mga oportunidad sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa.
Ayon kay IFG Undersecretary Joven Balbosa, prayoridad ng Pilipinas ang pagpapatupad ng mga Infrastructure Flagship Projects (IFPs) sa mga proyektong may kaugnayan sa riles, tulay, kalsada, pabahay, at digital infrastructure. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga proyektong ito sa pagpapabuti ng kalidad ng pamumuhay ng mga Pilipino at sa pagpapabilis ng kaunlaran.
Ipinahayag din ni Balbosa ang interes ng bansa na makipagtulungan sa U.S. para sa mga oportunidad sa Luzon Economic Corridor, na kinikilala bilang sentro ng industriyal na pag-unlad sa bansa.
Kasama sa delegasyon ng Pilipinas sina Assistant Secretary Donalyn Minimo, Deputy Treasurer Erwin Sta. Ana, at Minister at Consul Hans Mohaimin Siriban mula sa Embahada ng Pilipinas sa Amerika. Samantalang lumahok din sa pag-uusap ang mga kinatawan ng Global Homes Consortium Inc. at Newmark Group, Inc., upang pag-usapan ang mga posibleng kolaborasyon sa sektor ng real estate at infrastructure.
Ang patuloy na ugnayang pang-investment sa Pilipinas ay isa sa mga estratehikong hakbang ng gobyerno upang palakasin ang ekonomiya sa pamamagitan ng dayuhang kapital at teknolohikal na kooperasyon. Inaasahang magbubukas ito ng mas maraming trabaho, matibay na imprastruktura, at mas matatag na sektor ng kalakalan sa mga susunod na taon.