
Marso 24, 2025 | 7:30 AM GMT+08:00
Inilunsad nitong kamakailan ng Department of Science and Technology (DOST) at University of the Immaculate Conception (UIC) ang bagong laboratoryo na Mindanao Natural Language Processing Research and Development Laboratory. Ang layunin ng laboratoryo ay pangalagaan ang ilan sa mga katutubong wika sa Mindanao na kasalukuyang nanganganib na, dahil hindi na ito nagagamit ng mga taga-rehiyon.
Ayon sa DOST at UIC, ang proyekto ay naglalayong mapanatili at maprotektahan ang mga endangered na wika na unti-unti nang nawawala sa mga komunidad. Ilan sa mga katutubong wika na kabilang sa mga nanganganib ay ang Kinamiging Manobo, Butuanon, Subanen, Bago-Bo-Klata, Kagan, at Kalagan.
Sa pamamagitan ng laboratoryong ito, magpapalawak ng mga pagsasaliksik at mga proyekto na makatutok sa pagpapalaganap at pag-preserba ng mga wika ng Mindanao. Makikinabang dito ang mga wika na hindi pa narerecord o naitatala, at makakatulong din ito sa mga programang pang-edukasyon at pang-komunikasyon sa mga komunidad na gumagamit ng mga katutubong wika.
Ang DOST at UIC ay umaasa na sa pamamagitan ng mga teknolohiyang ito, matutulungan ang mga komunidad sa Mindanao upang mapanatili ang kanilang mga wika at kultura. Ang Mindanao Natural Language Processing Research and Development Laboratory ay isang mahalagang hakbang patungo sa pangangalaga ng mga katutubong wika na may malaking bahagi sa kasaysayan at pagkakakilanlan ng rehiyon.